NBI pinagpapaliwanag ng korte dahil sa kabiguang ilipat si Taguba sa kulungan

Image from Times of News

MAYNILA, Pilipinas – Hinihingan ngayon ng paliwanag ng Manila RTC Branch 46 ang National Bureau of Investigation (NBI) kung bakit sinuway nito ang kautusan na mailipat sa Manila City Jail si Customs broker Mark Taguba.

Sa ginawang pagdinig nitong Biyernes, binibigyan ni Judge Rainelda Estacio-Montesa ng 48 oras si NBI Custodial Center Chief Menardo Cariaga kung bakit hindi siya dapat i-cite for contempt dahil sa kabiguang mailipat sa kulungan  ang 26 anyos na fixer.

Magugunitang nagsampa ng mosyon ang kampo ni Taguba na ipagpaliban ang paglipat sa kaniya sa kulungan dahil umano sa banta sa kaniyang buhay.

Ayon kay Atty. Cas Sta. Agueda, abogado ni Taguba, nakatanggap sila ng impormasyon na ilang opisyal ng gobyerno na idinawit ni Taguba sa ilegal na aktibidad sa Customs ang may planong likidahin siya kapag nakalipat na ng bilangguan sa Maynila.

Subalit ibinasura ito ng korte dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya at ipinag-utos sa NBI noong nakaraang Pebrero 2 na ilipat na ang akusado sa kulungan.

Kaagad namang nagsampa ng panibagong mosyon ang kampo ni Taguba sa pangunguna ng kaniyang abogado na si Atty. Raymond Furton upang muling hilingin sa korte na baliktarin ang nauna nitong kautusan.

Bagama’t pumayag si Judge Montesa na pansamantalang manatili si Taguba sa kustodiya ng NBI, hindi niya umano babawiin ang naunang direktiba ng korte.

Iniutos din ng huwes sa prosekusyon na sagutin ang mosyon ng kampo ni Taguba sa mas lalong madaling panahon.