Pekeng electrician nahatulan ng 8 taong pagkabilanggo sa tampering ng electric meter

Imahe mula sa Metering

Walong taon na pagkabilanggo ang hatol sa isang hindi lisensyadong electrician matapos mapatunayang nagkasala ito ng pag-tamper ng metro ng kuryente sa Davao City.

Ayon sa ulat ng Edge Davao, ang hinatulan ay si Romeo Obusa Elisan Jr. sa salang paglabag sa Republic Act 7832 o ang Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Material Pilferage Act of 1994. Ang hatol ay ibinaba ni Davao City Regional Trial Court Branch 16, Presiding Judge Emmanuel Carpio matapos mapatunayang pinakialaman ni Elisan ang electric meter ng Davao Light and Power Company, Inc.

Si Elisan ay naaresto sa isang entrapment operation na isinagawa ng Davao City San Pedro Police Station noong ika-2 ng Oktubre 2014. Nahuli siya akto na minamanipula ang electric meter matapos tumanggap ng P10,000 sa isang pulis na nagpanggap na “customer” sa ilegal niyang gawain.

Kinabitan umano ni Elisan ng “jumper wire” ang metro upang bumaba ang marerehistrong konsumo ng kuryente.

Fact-checked against the following source(s) :

Edge Davao, Sun Star