Roque naghamong magre-resign kapag naipasa ang ‘fake news’ bill

Image from Team Philippines Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Nakahanda umanong magbitiw sa kanyang puwesto si Presidential Spokesperson Harry Roque kapag naipasa sa Kongreso ang kontrobersiyal na ‘fake news’ bill na isinusulong ni Senador Grace Poe.

Nauna nang iginiit ni Roque na ‘unconstitutional’ ang naturang panukala dahil nililimitahan umano nito ang ‘freedom of the press and expression’ na nakapaloob sa 1987 Constitution.

“I promise, if one such law is enacted by Congress, I will resign from my post and I will sue before the Supreme Court to challenge its constitutionality,” paghahamon ni Roque sa ginawang press briefing sa Kalinga nitong Martes.

Ayon pa sa tagapagsalita ng Pangulo, wala ring basehan para i-single out ng panukala ang gobyerno bilang tagapagpakalat ng ‘fake news’. Maging ang mainstream media din daw ay nagagawa ang mga ganitong pagkakamali.

“The commitment to the truth should be imposed on all forms of journalists, not just those writing for government,”wika pa ni Roque.

Iginiit din ni Roque na kailanman ay hindi kinukunsinte ng Malakanyang ang ‘fake news’.

“We maintain that freedom of the press is anchored on responsibilities and one such responsibility is total commitment to the truth,” dagdag pa nito.

Ang panukala ni Poe, sa ilalim ng Senate Bill No. 1680, ay naglalayong susugan ang Sections 4(b) at 7 ng Republic Act No. 6713 o mas kilala bilang “Code of Conduct and Ethical Standards from Public Officials and Employees.”

Sa nasabing panukala, ipinagbabawal na ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno, lalo na ng mga ahensiyang nakatalagang magbahagi ng impormasyon at balita, na magbahagi ng mga kasinungalingan o ‘fake news’.