Senate panel, nais ipaaresto si dating Comelec chair Bautista dahil sa hindi pagsipot sa hearing

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas – Hiniling ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero, chairperson ng committee on banks, financial institutions and currencies, na ipaaresto na si dating Commission on Election (Comelec) chairman Andres Bautista dahil sa kabiguan ng huli na makadalo sa ginagawang pagdinig sa Senado.

Nitong Lunes, pormal na hiniling ni Escudero sa opisina ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na maglabas na ng arrest warrant laban kay Bautista dahil tatlong beses na itong ipinatawag subalit hindi sumipot.

Una nang nagpadala ng sulat si Bautisat sa Senado para hilingin na bawiin ang subpoena laban sa kanya dahil wala umano siyang natatanggap na imbitasyon.

Nasa labas din umano siya ng bansa simula noong Nobyembre 21 dahil naghahanap ng trabaho at nagpapagamot na rin. Hiniling din ni Bautista na sa sulat na lamang niya sasagutin ang mga katanungan ng committee.

Subalit duda naman si Escudero na nagsasabi ng totoo si Bautista dahil wala naman umanong return address na nakalagay sa sulat na ipinadala ng dating Comelec chariman.

“Magpapadala ka ba naman ng sulat na ni walang address nakalagay kung saan galing ang sulat? Tapos hihilingin mo na magpadala kami ng mga katanungan at sasagutin niya via a letter? Taliwas ito sa binibitawan niyang salita noon na haharapin niya anumang alegasyon sa kanya,” wika ng senador.

Hindi rin daw kapani-paniwala na nasa labas nga ng Pilipinas si Bautista sapagkat ang huling record na lumipad ito ay noong Oktubre 21, 2017 at nakabalik na sa bansa noong Nobyembre 1.

Maaari lamang umanong bawiin ang arrest warrant laban sa dating opisyal kung lalagda ito ng ‘bank secrecy waiver’ kasama ang kanyang mga kapatid na sina Susan Bautista-Afan at Martin Bautista na kanyang co-depositors sa Luzon Development Bank.