[Video] Belo Clinic, nagbebenta umano ng ilang ‘di rehistradong produkto; nilusob ng FDA

Imahe mula sa YouTube video ng ABS-CBN News

Pinatigil ng Food and Drug Administration (FDA) ang Belo Medical Clinic sa pagbebenta ng ilan sa mga produkto nito na hindi umano rehistrado sa ahensya.

Sa in-upload na video ng ABS-CBN News sa YouTube, ipinakita ang ikalawang test buy operation ng FDA sa Belo Clinic sa Alabang, Muntinlupa.

Pagkabayad sa cashier, kinuha na sa pharmacy sa loob ng clinic ang mga gamot na nagkakahalaga ng P22,000. Ito na ang naging hudyat para pumasok ang FDA at ibigay ang “cease and desist” order para pagbawalan ang clinic na magbenta o mag-alok ng mga nasabing produkto.

Ayon sa FDA, hindi dumaan sa tamang pagsusuri ng ahensya ang ilang mga gamot at cosmetics.

“Hihintayin niya dapat na dumaan muna sa tamang proseso ng FDA… (before) they will be allowed to sell,” wika ni Gen. Allen Bantolo (Ret.), na kasalukuyang hepe ng Regulatory Enforcement Unit ng FDA.

“Hindi rehistrado, ibig sabihin hindi safe, for the meantime, bawal siya ibenta,” dagdag pa niya.

Mahaharap din sa iba pang kaso ang Belo matapos tumangging magpa-inspeksyon ng klinika at pharmacy.

As of posting, wala pa rin pahayag ang Belo tungkol dito.

Fact-checked against the following source(s) :

YouTube