Albert, inaming siya ang 1st showbiz BF ni Sharon; kanya raw dapat ang role ni Gabby sa Dear Heart

Mga imahe mula sa pelikulang Dear Heart at Bata Pa Si Sabel

Inamin ng aktor na si Albert Martinez na siya ang unang boyfriend ni Megastar Sharon Cuneta sa showbiz at sa kanya dapat ang role ng ex-husband nitong si Gabby Concepcion sa unang ShaGab film na Dear Heart.

Ayon sa PEP, ikinuwento ni Martinez, 56, na maituturing na “puppy love” ang relasyon nila dahil 14-anyos lamang noon ang aktres habang siya naman ay nasa gulang na 17.

“Sa showbiz, ako ang una. I met her sa GMA Supershow and that was the time ng ‘Mr. DJ’ song. Tapos, we were offered to do ‘yung first movie nila ni Gabby, ‘yong Dear Heart,” pagbabahagi niya.

Hindi raw pinayagan noon na gumanap sa Dear Heart si Martinez.

“Hindi ako pinayagan ni Mother Lily, ibinigay sa akin ‘yung Bata Pa Si Sabel. Nagpalit kami ni Gabby, kasi dapat siya ang partner ni Snooky (Serna),” aniya.

Parehong 1981 film ang Dear Heart at Bata Pa Si Sabel.

Tumagal din daw ng isang taong ang naging relasyon nila ni Cuneta bago sila tuluyang naghiwalay ng landas.

“While nasa Vigan ako, ginagawa niya ang Dear Heart. Naging girlfriend na niya (Gabby) si Sharon, naging girlfriend ko si Snooky,” kuwento ni Martinez.

Pero wala raw overlapping sa mga naging relasyon nila.

Ikinasal sina Cuneta at Concepcion noong 1984 ngunit nagkahiwalay rin sila noong 1987.

Habang si Martinez ay napangasawa naman si Liezl Sumilang na nag-iisang anak ng mga batikang artista na sina Amalia Fuentes at Romeo Vasquez. Sumakabilang-buhay si Sumilang dahil sa cancer noong 2015 ngunit hanggang ngayon, pagkalipas ng tatlong taon, ay hindi pa rin naghahanap ng bagong pag-ibig si Martinez.

Narito ang isang clip mula sa Dear Heart:

Narito naman ang mula sa Bata Pa Si Sabel:

Fact-checked against the following source(s) :

PEP, YouTube, YouTube