Babae nagkasakit sa atay dahil sa palagiang pagpapakulay ng buhok

Imahe mula sa Choice

Isang babae sa China ang nagkaroon ng malalang sakit sa atay at ang itinuturong dahilan ay ang madalas niyang pagpapakulay ng buhok.

Ayon sa ulat ng The Coverage, ang babae na kinilala lamang sa apelyidong Chen mula sa Harbin, China ay nadiskubreng may advanced cirrhosis matapos suriin. Ang kanyang karamdaman ay bunsod umano ng palagiang paggamit niya ng hair dye sa loob ng sampung taon.

Nagsimula umanong pumuti ang buhok ni Chen sampung taon na ang nakalilipas at nagdesisyon siyang gumamit ng hair dye upang itago ang mga tumubong uban o puting buhok. Subalit mabilis tumubo ang kanyang buhok kaya wala pang isang buwan ay muli na namang nakikita ang mga uban.

Dahil doon ay nagmumukha umano siyang mas matanda kaysa sa tunay niyang edad kaya ginawa niyang kada buwan ang pagpapakulay ng buhok sa isang hair salon. Ginawa niya iyon sa loob ng sampung taon.

Ngunit nito lamang nakalipas na dalawang buwan ay nagkaroon siya ng problema sa kalusugan. Isang gabi, nang matutulog na siya ay hirap siyang huminga at tila pagod na pagod, ngunit binalewala lamang niya ang nararamdaman.

Kinabukasan ay nagulat ang kanyang kabiyak dahil naninilaw na ang mga mata at balat ni Chen. Isinugod siya sa pagamutan at doon umano nalaman na may advanced cirrhosis siya. Sa ginawang pagsusuri sa kanya, napagtanto ng mga doktor na ang palagiang pagpapakulay niya ng buhok ang sanhi ng kanyang karamdaman.

Ang kemikal umano sa mga hair dye ay nasisipsip ng balat at pinoproseso ito ng atay.

Payo ng mga doktor, gumamit ng plant-based hair dye at gawing madalang o tuwing ika-anim na buwan lamang magpakulay ng buhok.

 

Fact-checked against the following source(s) :

The Coverage, Oddity Central, World of Buzz, Sina News