Construction worker, patay matapos paluin at sunugin ng kainuman

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Isang malagim na kamatayan ang sinapit ng isang construction worker matapos itong paluin at sinilaban pa ng kainuman sa Dumaguete City, Negros Oriental.

Naganap ang insidente Linggo ng gabi habang nag-iinuman umano ang biktimang si Daniel Cuevas, tubong Ayungon, Negros Oriental, at ang kanyang kasamahan sa trabaho na nakilalang si Antonio Casas.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa habang nag-iinuman sa kanilang pinagtatrabahuan sa Sto. Rosario Heights sa Barangay Bagacay ng nasabing siyudad.

Pinalo umano ni Casas ng tubo sa ulo si Cuevas at nang mawalan ng malay ang biktima ay binuhusan ito ng thinner saka sinindihan. Kaagad namang tumakas ang suspek matapos ang krimen.

Naisugod pa sa Negros Oriental Provincial Hospital si Cuevas na nagtamo ng third degree burn sa katawan subalit pumanaw din ito makaraan ang ilang oras.

Hinala ng pulisya, matagal nang may alitan ang dalawa na naging motibo ng suspek para patayin ang kanyang katrabaho.

Kasalukuyan nang pinaghahanap ng mga awtoridad si Casas na nahaharap sa kasong pagpatay.

Fact-checked against the following source(s) :

GMA News, Radyo Inquirer