DBM, tinaasan ang ‘clothing allowance’ ng mga manggagawa ng pamahalaan

Imahe buhat sa DBM Official website

Makatatanggap ng dagdag na P1,000 ang mga manggagawa ng gobyerno para sa kanilang clothing allowance matapos aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang budget para rito.

Mula sa dating P5,000 na uniform allowance para sa mga empleyado, tumaas iyon sa P6,000 nang inilathala ng DBM ang Budget Circular No. 2018-1 noong ika-8 ng Marso na nagsasabing tataasan ang budget para sa mga benepisyo ng mga manggagawa.

Hinggil sa ulat ng Inquirer, inanunsyo ni Budget Secretary Benjamin Diokno na halagang P1.2 billion ang nakalaan na budget para sa karagdagang clothing allowance ng mga empleyado ng gobyerno. Ito, ayon kay Diokno, ay bahagi ng 2018 national budget.

Kasama sa mga makikinabang sa dagdag na allowance ang mga regular, contractual, o casual employees, itinalaga o inihalal. Kabilang din ang mga nagseserbisyo sa gobyerno ng full time o part time, saad ng circular order.

Samantala, hindi umano sakop ng nasabing circular order ang mga sundalo, pulis, bumbero, guwardiya ng bilangguan, at mga tanod baybayin.

Saad ni Diokno, hindi rin kasali sa mga makikinabang sa dagdag na allowance ang mga banyagang empleyado ng Department of Foreign Affairs o ng kahit anong ahensiya ng gobyerno na nakadestino sa labas ng bansa.

Hindi rin umano kabilang ang mga opisyal ng barangay na nakatatanggap ng bayad kada-buwan at ang mga manggagawang walang employer-employee relationships, mga consultants, at on-the-job trainees, saad ng DBM.

Ang sapatos ng mga manggagawa ay hindi na raw sasagutin ng gobyerno, dagdag pa nito.

Fact-checked against the following source(s) :

Inquirer.net, Philippine Star, Tempo