Desisyon ni John Lloyd na maging masaya sa personal na buhay, suportado ni Direk Cathy

Imahe mula sa Instagram account ni @johnlloydcruztm

Suportado raw ng direktor na si Cathy Garcia-Molina ang aktor na si John Lloyd Cruz sa kanyang desisyon na isakripisyo ang karera sa showbiz upang piliin ang personal na buhay.

Ayon sa PEP, nabanggit din umano ni Molina na mismong ang circle of friends nila ni Cruz na sina Janus del Prado, Ketchup Eusebio, at Joross Gamboa ay suportado ang aktor.

Limang buwan na ang lumipas mula nang naghain ng indefinite leave of absence ang aktor. May mga fans si Cruz na nanghihinayang sa pansamantalang pag-alis niya sa showbiz dahil sa mga proyektong maaari pa sana niyang magawa.

Gayunman, naniniwala naman si Molina na alam ni Cruz ang kahihinatnan ng kanyang naging desisyon.

“Matagal na ‘yan overdue, actually, ‘yang gusto niyang ‘yan. Trust me, he knows that. John Lloyd is a very intelligent and sensitive person. John Lloyd knows that,” dagdag niya.

Tiwala rin ang direktor na lahat ay malalampasan ni Cruz.

“For me, there’s no better teacher than experience itself. No matter what we tell him to do, palagi naman sa kanya ang decision. Lahat tayo, ang final decision, tayo. Ngayon, desisyon niya ito. Hayaan mo siya. One day, he will wake up, realize whatever he has realized, and then pag bumalik siya, mas buo siya. Kaysa lahat sinunod niya lang, Kasi sabi nito, sabi ni ganyan. Ang ending niyan, hindi pa rin niya nasunod ‘yung gusto niya,” wika ng direktor..

Kabilang sa mga pelikula kung saan nakatrabaho ni Molina si Cruz ang mga box-office film na One More Chance (2007), A Very Special Love (2008), You Changed My Life (2009), Miss You Like Crazy (2010), My Amnesia Girl (2010), Unofficially Yours (2012), It Takes A Man And A Woman (2013), A Second Chance (2015), at Just The Three of Us (2016).

Fact-checked against the following source(s) :

PEP, Journal, PhilNews, Instagram