Duterte hinikayat ang ibang bansa na kumalas na rin sa ICC

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Matapos ianunsiyo ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute, ang kasunduan na lumikha sa International Criminal Court (ICC), hinimok naman ngayon ni Pangulong Rodrigo ang ibang bansa na gawin din ang kanyang naging hakbang.

Sa talumpati ng Pangulo sa pagtatapos ng Philippine Military Academy “Alab Tala” class of 2018 sa Baguio City nitong nakaraang Sabado, iginiit ni Duterte na walang bisa ang paglagda ng Pilipinas sa Rome Statute dahil hindi ito nailathala sa Official Gazette ng gobyerno.

“You have to publish it so people would not be ignorant. Because if it is not published, you cannot tell me now that ignorance of the law excuses no one. It has to be published in the Official Gazette,” paliwanag ni Duterte

Ayon pa sa Pangulo, ang European Union (EU) ang tunay na nasa likod ng nasabing kasunduan dahil nais lamang umano nitong makabawi sa mga kasalanang nagawa laban sa ibang bansa tulad ng rehiyon ng Middle East kung saan kinuha lamang ang langis nito para yumaman subalit hinayaang mag-away ang mga kasaping bansa.

Iginiit din ng Pangulo na hindi niya hahayaan na sumailalim sa hurisdiksiyon ng ICC.

“I will convince everybody now who are under the treaty… get out, get out, bastos ‘yan,” wika pa nito.

Kapag tuluyang kumalas ang Pilipinas sa ICC, ito na ang pangalawang bansa na humiwalay sa kasunduan matapos ianunsiyo ng Burundi ang kanilang intensiyon na tumalikod dito noong Oktubre 2017.

Fact-checked against the following source(s) :

Philstar, CNN Philippines, Reuters, ABS-CBN News