Grade 4 pupil na babae tinangkang dukutin ng nakasakay sa van sa Pangasinan, inalok pa raw ng P500

Imahe kuha mula sa video ng GMA News

Na-trauma umano ang  isang Grade 4 pupil na babae matapos siyang tangkaing dukutin ng mga hindi pa nakikilang mga suspek sa Calasiao, Pangasinan.

Ayon sa ulat ng GMA News, naglalakad umano pauwi galing sa paaralan ang siyam na taong gulang na bata nang biglang huminto sa tabi niya ang isang kulay puting van. Bumaba raw mula sa van ang dalawang lalaki na may hawak na panyo at spray.

Kuwento ng bata sa isang saksi, isinasama raw siya ng mga lalaki sa isang ospital kung saan naroroon ang kanyang lola. Naglabas pa raw ng P500 ang mga suspek at inalok sa kanya iyon, subalit nang may napadaang sasakyan ay tila na-distract daw ang mga suspek kaya nagawang makatakbo ng bata.

“Binibigyan daw siya ng P500. Pinakita ‘yung P500 sa kaniya tapos may biglang dumaan na sasakyan, parang na-distract yata ‘yung kumukuha ng bata. ‘Yon ‘yung pagkakataon na nakatakbo ‘yung bata,” ayon sa isang saksi.

Agad namang nagpatawag ng pagpupulong ang paaralan nang mabalitaan ang insidente. Ipinatawag ang mga magulang at mga opisyal ng barangay upang pag-usapan ang karagdagang seguridad sa paligid ng paaralan.

Ayon naman sa Calasiao Police, walang dapat ikabahala dahil wala pa namang naiuulat na kaso ng kidnapping sa lugar.

“Dito sa Pangasinan, wala. Kaya wala namang dapat ikabahala ‘yung mga publiko. Ipaalam agad nila sa kapulisan nila malapit sa kanilang lugar ‘yung mismong police station,” sabi ni Police Chief Inspector Norman Florenti, tagapagsalita ng Pangasinan Provincial Police Office.

Fact-checked against the following source(s) :

GMA Network, Facebook