“High profile drugs charges na ibinasura ng DOJ, ipare-review ni Duterte” – Dela Rosa

Public Domain

Hindi lamang ire-review ang  kasong may kaugnayan sa iligal na droga na ibinasura laban kina Peter Lim at Kerwin Epsinosa ngunit pati na rin ang mga ‘high profile’ drugs charges na ibinasura ng Department of Justice (DOJ); ito ay ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa.

Ayon sa ulat ng Rappler, binanggit umano ito ng Pangulo kay Dela Rosa sa  Philippine Military Academy graduation nitong Marso 18.

Sa ilalim ng executive branch ng pamahalaan maaaring i-invoke ng Pangulo ang kanyang “power of supervision and control” sa DOJ.

Ayon kay Dela Rosa, hindi binanggit ni Duterte kung anong partikular na kaso ang nais nitong ipa-review.

Nauna nang inihayag ng PNP na sila’y may pagkukulang kung bakit ibinasura ang kaso nina Espinosa at Lim dahil sa mga mahihinang ebidensiya na kanilang inihain.

Matatandaang nagpahayag ng pagkadismaya ang Pangulo makaraang ibasura ang drug charges laban kina Lim, Espinosa at iba pa.

Nagbanta rin si Duterte na kanyang ipapalit si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre sa kulungan sa oras na makatakas sina Lim at Espinosa.

Fact-checked against the following source(s) :

Rappler, ABS CBN, Rappler