Impersonator ni Pangulong Duterte, ‘naloko’ ang Malacañang transcribers

Image capture from video by ABS-CBN News via You Tube

MAYNILA, Pilipinas – Napaniwala ng isang impersonator na siya nga si Pangulong Rodrigo Duterte matapos gawing opisyal ng Malacañang transcribers ang panayam sa kanya sa DZRH kamakailan.

Nakumbinsi ni Jun Alegre, correspondent ng DRZH at gumagaya sa boses ng Pangulo, ang News and Information Bureau (NIB) ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na siya nga si Duterte matapos ilabas ng ahensiya ang transcript ng naturang panayam at ipamahagi sa Malacañang Press Corps (MPC) bilang opisyal na dokumento.

Mayroon itong titulo na “Interview with President Rodrigo Roa Duterte”. Ilan sa mga news outlet ay kaagad na kinagat ang transcript ng nasabing panayam nina Deo Macalma at Rica Herrera ng DZRH at ginamit ito sa mga balita at artikulo.

Maging si Presidential Spokesperson ay nabiktima rin sapagkat kinumpirma nito ang sinabi umano ng Pangulo tungkol sa posibleng pagtakbo ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go bilang senador sa darating na halalan.

Subalit lumabas na hindi naman pala talaga si Duterte ang nagsasalita sa interview kundi si Alegre.

Dahil dito, binawi ng NIB ang kanilang transcript at kaagad humingi ng paumanhin. Binago rin ng ahensiya ang titulo ng nasabing transcript at ginawa na lamang  “Interview with Impersonator of President Rodrigo R. Duterte.”

Ang nasabing insidente ang pinakahuling pagkakamali ng media bureau ng Malakanyang na ilang beses na ring nabatikos dahil sa mali-maling balita na nailalathala nito sa kanilang website.

Buong detalye sa ulat ng ABS-CBN News:

https://youtu.be/q1ubm384pGk

Fact-checked against the following source(s) :

ABS-CBN News, Rappler, Sun Star, Politiko