Lalaking bagong laya sa kulungan nanunog ng motorsiklo

Imahe kuha mula sa video ni Maria Anna Perez ng DZMM

Arestado ang isang lalaki dahil sa panununog ng isang motorsiklo sa Paco, Maynila.

Ayon sa ulat ng Radyo Inquirer,  ang suspek ay kinilalang si Adonis Ducot alyas Dawe, 42-anyos at naninirahan sa La Purisima Street, Barangay 820, Zone 88 sa Paco.

Nakunan ng CCTV ang ginawang panununog ni Ducot sa motorsiklo na pag-aari ni Ricardo Silva. Aabot umano sa halagang sampung libong piso ang pinsalang tinamo ng motorsiklo. Maging ang pader ng kanilang bahay ay bahagyang nadamay sa apoy, ayon sa biktima.

Agad namang naaresto si Ducot na nagsabing nagawa lamang niya iyon dahil sa bigat ng problema. Aniya, hindi siya matanggap ng mga magulang mula noong nakulong siya. Aminado siya na naka-shabu at nakainom ng alak bago isinagawa ang panununog gamit ang isang lighter.

Ang suspek ay nakulong dahil sa ilegal na droga at minsan na ring naipasok sa isang mental institution.

Nahaharap ngayon si Ducot sa kasong arson na isang non-bailable case, ayon kay Ayon kay Chief Insp. Geo Colibao ng Pandacan police.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Radyo Inquirer, ABS-CBN, News Portal