Lalaking hiniwalayan ng misis, tinangkang silaban ang 3-anyos na anak

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas – Kalaboso ang bagsak ng isang lalaki matapos nitong tangkaing sunugin ang kanyang 3-taong gulang na anak na babae sa lungsod ng Davao.

Kinilala sa ulat ng Sun Star ang suspek na si Randy Nueva Cadiente, 44 anyos, isang obrero at residente ng Purok 26, Malagamot, Barangay Panacan ng nasabing lungsod.

Ayon sa nakasaksi sa insidente na si Leonardo Contemplo Abli, pasado alas-8 ng gabi nitong Sabado nang marinig niya umano ang sigaw ng batang biktima. Kaagad niyang nakita ang apoy sa bahay ng mag-ama kaya inapula niya ito bago tumawag sa Central 911 para i-report ang pangyayari.

Agad namang naaresto ang suspek na itinanggi pa ang kanyang ginawa. Kinalaunan ay umamin din ito at sinabing nagalit siya dahil sa patuloy na pag-iyak ng anak.

Napag-alaman sa ulat na lasing ang lalaki nang gawin nito ang krimen. Madalas din daw nitong sinasaktan ang bata simula nang hiwalayan siya ng kanyang misis.

Samantala, naisugod pa sa pagamutan ang batang biktima subalit binawian din ito ng buhay.

Narekober naman sa bahay ng mag-ama ang lata ng gasoline at lighter na posible umanong ginamit ni Cadiente para silaban ang kaniyang anak.

Inihahanda na ang kasong parricide laban sa suspek na ngayon ay kasalukuyang nakakulong sa Sasa Police Station.

Fact-checked against the following source(s) :

Sun Star, ABS-CBN News