Lalaking pumalo at pumatay sa aso gamit ang dos por dos, sinampahan ng reklamo

Image capture from video by Redge Espanilla via Facebook

MAYNILA, Pilipinas  –  Sinampahan ng reklamo ang isang lalaking walang habas na namalo hanggang sa mapatay ang isang alagang aso sa Muntinlupa City kamakailan.

Nag-ugat ang reklamo matapos mapatay sa palo ni alyas JR Potot ang asong si Seven na pinaalagaan lang umano kay Redge Espanilla, na siya ring nagsampa ng kaso.

Kuwento ni Espanilla sa kanyang Facebook account, unang pinalo ng tatlong beses ni Potot ang aso gamit ang tabla na ginagamit sa paglaba. Hindi pa umano nakuntento, muli itong kumuha ng dos por dos at saka hinampas ang hayop hanggang sa mamatay ito.

Nakunan umano ni Espanilla ang pangyayari sa video bukod pa sa ilang testigo na nakasaksi rin. Sinubukan daw niyang awatin si Potot subalit wala siyang magawa dahil buntis siya.

Ayon sa GMA News, sinabi umano ng suspek na hinabol daw ng aso ang kanilang anak kaya siya nagalit at pinagapapalo ito.

Image capture from Redge Espanilla's Facebook post
Image capture from Redge Espanilla’s Facebook post

Inamin naman ni Espanilla sa kanyang post na naghahabol nga ang aso subalit hindi naman ito nangangagat.

Pormal nang sinampahan ni Espanilla ng reklamo ang suspek na posible umanong maharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998.

Ayon pa kay Espanilla, binantaan din umano sila ni Potot na sila’y sasaktan.

Kasalukuyan nang pinaghahanap ang suspek na nagtago matapos mag-viral ang video ng pangyayari.

Ulat mula sa GMA News:

Fact-checked against the following source(s) :

Facebook, GMA News