McCoy sa suspension ni Bugoy sa It’s Showtime: May reason ‘yung management

Imahe mula sa Instagram account ni @hashtag_bugoy

May dahilan umano  ang management sa pagsususpindi sa Hashtags member na si Bugoy Cariño, ayon sa kasamahan nito na si McCoy de Leon.

Ayon sa PEP, sinabi ni De Leon na wala silang alam sa dahilan ng suspension ni Cariño at ng isa pa nilang kasamahan sa Hashtags na si Jon Lucas. Hindi rin niya masabi kung totoo bang nabuntis ng dalawa ang kanya-kanya nilang mga kasintahan.

“Sa amin naman po kasi, may rason kung sakaling totoo nga po yung nangyari, may rason naman po. May reason ‘yung management, may reason din kami. May reason din ‘yung family,” aniya.

“Siguro ano, sa nangyari po sa kanila, nagrespetuhan naman po ng desisyon kung may nangyari man,” wika pa niya.

Nauna nang inamin ng Hashtags member na si Jameson Blake na kaya ilang buwan nang hindi napapanood ang dalawang aktor sa palabas ay dahil suspendido ang mga ito.

Kamakailan lamang nang naging trending sa social media ang balitang nabuntis umano ni Cariño ang volleyball player na si EJ Laure.

Nauna nang sinagot ni Laure, 20, ang isyu na nagdadalantao siya sa anak ni Cariño, 15. Aniya, hindi lamang ito ang unang beses na mayroong nagkalat na buntis siya.

“(Noong) December, buntis daw ako tapos January buntis din ako. Ta’s March buntis na naman? Jusko, three months na ‘kong naging buntis, so triplets pala ‘to?” punto ni Laure.

Wika ng athlete, minsan na niyang nilinaw ang mga kumakalat na balita pero muli siyang nagsalita para matapos na ang lahat.

“Ewan ko ba kasi talaga sa trip ninyo. Basta ako, I’ve been enjoying my life and resting my shoulder for S81. Been living nice and simple then makakabasa ako ng kung anu-ano,” aniya.

“Just to end everything, wala akong control sa isip ninyo kasi may kanya-kanya tayo. God bless na lang,” dagdag niya.

Fact-checked against the following source(s) :

PEP, Balita DF, Balita DF