Mga mambabatas, isinusulong ang isang bill na maglilimita sa pagvi-videoke sa dis-oras ng gabi

Larawan mula sa Instagram account na @clintypreety

Naranasan mo na bang mabulahaw sa pagtulog dahil sa ingay ng kapitbahay na walang humpay sa pagvi-videoke? Malapit nang magkaroon ng solusyon para dito.

Pinag-aaralan ng mga mambabatas ang pagbabawal sa pagvi-videoke o sing-alongs sa kalaliman ng gabi kung saan inaasahang nagpapahinga na ang mga tao lalo na kung may pasok sa kani-kanilang mga trabaho o eskwela kinabukasan.

Si Quezon City Representative Helen Tan ang nag-file ng House Bill No. 1035 na nagbabawal sa paggamit ng sing-along instruments at loud sound equipment na maaaring makaistorbo sa pagtulog at pamamahinga ng mga tao sa gabi.

Ayon kay Tan, tipikal sa pangkaraniwang mga lugar sa Pilipinas ang kasiyahan sa pamamagitan ng videoke o karaoke na kadalasang nangyayari pa sa mga bahay na dikit-dikit o sampid-sampid, o kaya’y sa mga pampublikong lugar. Madalas din itong pagmulan ng away lalo na’t katambal na nito ang inuman.

Bagama’t likas sa mga Pilipino ang hilig sa pag-awit, ipinaalala ni Tan na ang pagkapuyat dahil sa ingay na dulot ng mga videoke o karaoke ay maaaring magbunga ng hypertension, inefficiency sa trabaho o eskwela, at pagkairita sa mga bagay-bagay.

Nakasaad sa bill na mapapatawan ng multang 1,000 piso o pagkabilanggo ng humigit-kumulang 6 na buwan ang isang taong lalabag dito; gayundin, mawawalan ng business license o permit ang isang kompanya o establishment na hindi susunod dito.

Aba, maaprubahan sana ito sa lalong madaling panahon.

Fact-checked against the following source(s) :

ABS CBN News, Inquirer.Net, CNN Philippines