Oil field sa Cebu nadiskubre ng Chinese firm na may “commercial quantities” ng natural gas, langis

Image from DOE

Inanunsiyo ng kalihim ng Department of Energy (DOE) na si Alfonso Cusi na ang Alegria oil field sa Cebu ay may sapat na reserves ng natural gas at langis.

Ayon sa ulat ng Sun Star, sinabi umano ni DOE Sec. Cusi na “commercially viable” ang nasabing oil field na may imbak ng natural gas at langis na kayang tumagal ng hanggang 2037.

Sa isang pahayag, sinabi ni Sec. Cusi na ang Alegria oil field ay nagtataglay ng tinatayang 27.3 milyong bariles ng langis na may posibilidad ng “production recovery” na 3.35 milyong bariles o 12 porsiyento ng kabuuang oil reserves.

Ang natural gas reserves naman na natagpuan ay tinatayang nasa 9.42 billion cubic feet. Aabot sa hanggang 70 porsiyento o 6.6 billion cubic feet ng natural gas reserves ang posibleng marekober.

Ang China International Mining Petroleum Company Limited ang may hawak ng kontrata na sumasakop sa Alegria oil field. Ang exploration at drilling sa oil field ay sinimulan noon pang taong 2009.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Sun Star, Manila Bulletin, Rappler