Pag-amin ni Jenny Miller: Sobra akong na-trauma no’ng mag-asawa ako, ayoko nang magpakasal ulit

Imahe mula sa Instagram account ni @thisisjennymiller

Inamin ng aktres na si Jenny Miller na labis siyang na-trauma sa pag-aasawa kung kaya’t ayaw na raw niyang magpakasal ulit.

“Sobra akong na-trauma nung mag-asawa ako…. Honestly, ayoko nang magpakasal,” wika ni Miller sa panayam sa kanya ng Push.

Kuwento ng aktres, dalawang taon daw naging maayos ang relasyon nila ng asawa na kanyang pinakasalan noong 2010, ngunit nagbago ang lahat noong ikatlong taon ng pagsasama nila.

“On the third year, do’n na ‘yung hirap. 360 degrees ‘yung pagbabago niya. So for three years inilaban ko, nagtiis ako. Kasi hindi pala ganun kadali compared ‘pag boyfriend-girlfriend na pag-ayaw mo na, eh, ‘di hiwalay,” aniya.

“Pero pag married ka pala ang dami mong kailangang i-consider at saka ilalaban mo kasi sayang, baka magbago pa or what, ‘di ba, pero wala talaga,” pagpapatuloy niya.

Ani Miller, napakarami raw niyang tiniis sa asawa niya.

“Marami… marami. At ang pinakamasakit marami pa pala akong hindi alam tungkol sa kanya at marami pa akong nalaman. Too personal to say, basta marami. At alam naman niya yon, alam niyang siya ang nagkaproblema,” wika niya.

“Kasi ako, binigay ko lahat-lahat. Nagpaka-domesticated ako, but then… Pero hindi ako battered,” sabi pa ng aktres.

Sa kabila ng lahat ng hirap, paulit-ulit niya itong binigyan ng pagkakataon.

“Binigyan ko siya ng chance ilang beses dahil ‘yun ang pakiusap niya, na huwag ko siyang iwan. So, sige laban pa ako, tiis pa ako, pero walang nagbago, e…. Kung may naging pagkukulang man siguro on my part, sorry. Pero binigay ko lahat, my hundred percent, alam ni Lord na binigay ko lahat,” pahayag ng aktres.

Gayunman, kung ibibigay daw ng Panginoon ang tamang tao, marahil ay bubuksan niyang muli ang puso sa pag-ibig.

“I mean, kung ibibigay siguro ni Lord na sure na akong siya na ‘yung right guy, siguro pakakasalan ko. Pero sa ngayon at dahil sa mga nangyari, parang…” iiling-iling niyang sabi.

Kasalukuyang napanonood si Miller sa Hanggang Saan.

Fact-checked against the following source(s) :

Push, Instagram, IG, YouTube