“Pagsasailalim kay Napoles sa WPP, may basbas ni Duterte” – Trillanes

File Photo/Public Domain

Naniniwala umano si Senador Antonio Trillanes IV na may basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim sa diumano’y pork barrel scam mastermind na si Napoles sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).

Ayon sa ulat ng Abante, sinabi ng Senador na direktiba ito ng Pangulo kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre at gayun din ang iba pang kontrobersyal na desisyon ng DOJ.

Dagdag pa ng Senador, utos ni Duterte na baluktutin ang mga katwiran upang magamit si Napoles bilang panakot sa mga politiko at mabahala ang mga kasangkot sa pork barrel scam.

Ang paggamit sa mga drug convict sa paghahabla kay Senador Leila de Lima, ang suspensyon ni Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang, impeachment proceedings laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang kasong inciting to sedition laban sa kanya ay tinukoy din ni Trillanes na umano’y pagmamaniobra ni Duterte.

Sinabi pa ni Trillanes na ang pagbasura sa kaso kaugnay sa iligal na droga nina Kerwin Espinosa at Peter Lim ay utos din ni Duterte.

Giit pa nito, hindi maitatanggi ang kaugnayan ng Pangulo sa kaso nina Espinosa at Lim dahil ito ang nag-promote kay DOJ assistant prosecutor Aristotle Reyes na ginawang hukom ng Regional Trial Court sa Quezon Province, na siyang may hawak ng kaso.

Nauna nang inihayag ni Senador Risa Hontiveros na pangigigipit lamang sa oposisyon ang pagsasailalim kay Napoles sa WPP.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Abante, Balita DF, Inquirer