‘Return service system’ sa bawat unibersidad, ipatutupad kasabay ng libreng matrikula sa Hunyo

Imahe buhat sa Google Maps

Mag-alay ng serbisyo sa paaralan na papasukan.

Ito ang hiling ng pamahalaan sa mga estudyanteng makikinabang sa libreng matrikula sa kolehiyo na ipatutupad sa susunod na pasukan.

Bilang ganti sa benepisyong matatamasa, hinihikayat ang mga estudyante ng kolehiyo na magsilbi sa kanilang unibersidad; halimbawa bilang librarian assistant.

Hinggil sa ulat ng CNN Philippines, sinabi ni Prospero De Vera III, officer-in-charge ng Commission on Higher Education, na ang mga unibersidad na ang bahalang magtalaga ng serbisyo na maaaring gawin ng mga estudyante.

Aniya, nasa patakaran o Implementing Rules and Regulations ng batas ang “return service system.” Dagdag pa ni De Vera, hindi dapat matakot ang mga estudyante na magserbisyo sa paaralan dahil sinisigurado ng CHED na hindi magiging hadlang ang kanilang community service sa kanilang academics.

“Pinag-aaral na sila ng buwis ng taumbayan kaya responsibilidad nila (estudyante) na ibalik ito sa kanilang lipunan o bayan,” saad ni De Vera.

Simula Hunyo, libre na ang matrikula at miscellaneous fees ng mga estudyante ng lahat ng pampublikong unibersidad.

Napirmahan na ng mayorya ang mga patakaran ng batas at sisimulan na umano ng CHED na umikot sa buong bansa para maipaliwanag ang mga patakaran nito.

Lahat ng nakapasa sa admission at retention requirement ng 112 SUCs, 78 LUCs at TVIs, at regular na estudyante ay kwalipikado sa libreng matrikula at miscellaneous fee.

Ayon kay De Vera hindi kwalipikado ang mga estudyanteng may undergraduate degree at overstaying.

Wala rin umanong income requirement para maging kwalipikado sa libreng matrikula dahil ani De Vera “binago na nila ang pilosopiya sa edukasyon.”

Fact-checked against the following source(s) :

DZMM/ABS CBN, CNN Philippines, Inquirer.net