Ryza sa pag-uuwi ng Yakushi Pearl Award: ‘Di ako makapaniwala, nakuha ko ang perlas para sa Pilipinas

Imahe mula sa Instagram account ni @iamryzacenon

Masayang ibinahagi ng aktres na si Ryza Cenon ang ilang larawang kuha mula sa personal na pagtanggap niya ng Yakushi Pearl Award sa Osaka, Japan noong Marso 17.

Sa Instagram, ini-upload ni Cenon ang mga larawan, kasabay ng pagpapahayag niya kung ano ang nararamdaman niya na nakuha niya ang parangal na ang katumbas ay ang Most Brilliant Performer Award.

“Woohhoo! Thank you! Mabuhay ang Pelikulang Pilipino! Hindi pa rin ako makapaniwala hahahah ganito pala feeling. Nakuha ko ang perlas para sa Pilipinas! #mrandmrscruz #osakaasianfilmfestival #yakushipearlaward,” saad niya.

Ang performance ng aktres sa Mr. & Mrs. Cruz, ang pelikula ng Viva Films na pinagbidahan nila ni JC Santos at ipinalabas sa local theaters noong Enero, ang dahilan ng kanyang pagkapanalo.

Ikalawang Filipina actress pa lamang si Cenon na nanalo ng Best Actress sa Osaka Asian Film Festival. Noong nakaraang taon, si Iza Calzado ang recipient ng Yakushi Pearl Award para sa acting niya sa Bliss.

Fact-checked against the following source(s) :

Instagram, PEP