Sandra Cam hindi natitinag sa panawagan na magbitiw na siya sa puwesto

Image capture from video by ABS-CBN News via You Tube

MAYNILA, Pilipinas  –  Hindi magbibitiw sa puwesto bilang miyembro ng  Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board ang kontrobersiyal na dating whistleblower na si Sandra Cam sa kabila ng panawagan ng 48 na kongresista.

Sa halip, hinamon pa ni Cam ang mga mambabatas na harapin siya nang personal sa hearing at doon ilabas ang kanilang sentimyento laban sa kanya.

“For those congressmen na nagse-seek ng ouster ko sa PCSO, go ahead, you are not my boss. My boss are the people of the Philippines, and the President of the Philippines,” wika ni Cam sa panayam ng Bombo Radyo.

Naniniwala umano si Cam na ang nasa likod ng naturang pagpapatalsik sa kanya ay dahil napatunayan niyang sangkot nga ang ilang kongresista sa operasyon ng small town lottery o STL.

Magugunitang 48 mambabatas ang lumagda sa resolusyon na ipinasa ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves. Ayon kay Teves, isang insulto sa institusyon ng Kamara ang naging ‘magaspang’ na ugali ni Cam noong dumalo ito sa pagdinig noong nakaraang buwan.

Sina Teves at Cam ay nagkasagutan sa hearing matapos akusahan ng huli ang mambabatas na nakikialam sa pamamalakad ng STL.

Subalit nagbanta naman si Cam na sasampahan niya ng reklamo si Teves sa ethics committee dahil sa ginawa nitong ‘panghihimasok’ sa operasyon ng PCSO.

Fact-checked against the following source(s) :

Bombo Radyo, Kicker Daily News, Bandera