Sharon nakipag-dinner kay Pangulong Duterte sa Malakanyang

Image from Bong Go's Facebook posts

MAYNILA, Pilipinas  –  Pawang mga ngiti at masasayang mukha ang mapapansin sa naging pagkikita nina Pangulong Rodrigo Duterte at Megastar Sharon Cuneta sa Malakanyang.

Sa mga larawang ibinahagi ni Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go sa kaniyang Facebook account nitong Martes ng gabi, makikita sina Duterte at Sharon na masayang nag-uusap sa harap ng hapag kasama ang ilan pang panauhin.

Ayon kay Go, nakipag-dinner umano si Megastar sa Pangulo sa Malakanyang. Pabiro pang sinabi ni Go na sardinas ang kanilang ulam. Si Sharon ay kilalang endorser ng isang brand ng sardinas.

Hindi naman nabanggit sa post kung pormal bang inimbitahan si Sharon sa Palasyo o kusang dumalaw lamang ang aktres sa Pangulo.

Si Sharon ay maybahay ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan, pangulo ng Liberal Party (LP) at kilalang kritiko ng kasalukuyang administrasyon.

Samantala, kaagad namang nag-viral ang post ni Bong Go at maraming netizen ang natuwa sa personal na pagkikita ng Megastar at ng Presidente ng bansa.

Subalit hindi rin maiwasang magtanong ng ilan kung bakit hindi kasama ni Sharon sa Kiko sa naturang pagsasalo.

Fact-checked against the following source(s) :

Facebook