Xander Ford, hindi magpapatalo sa mga bashers

Imahe kuha mula sa video ng Wowowin ng GMA Network

Sa kanyang pagdalaw sa TV variety show na “Wowowin” ng Kapuso Network, nagbigay ng mensahe si Xander Ford (ang dating si Marlou Arizala) sa mga bashers o mga bumabatikos sa kanya.

Isa si Xander Ford sa celebrity players sa isang segment ng programa at bago iyon magsimula ay hinayaan ng Wowowin host na si Willie Revillame na magbigay ang social media sensation  ng mensahe sa kanyang mga tagahanga na ginawa naman nito, subalit may pahabol sa mensahe sa mga bashers.

“Bumati ka muna sa mga milyun-milyon mong supporters,” ani Willie Revillame.

“Binabati ko po pala lahat d’yan ng mga milyun-milyong sumusuporta sa ‘kin. S’yempre ‘di na mawawala lahat ng mga bashers.

Matapos ng paunang mensahe ay ipinakita ang mga larawan ni Xander noong hindi pa nababago ang kanyang mukha at ang larawan matapos ang kanyang transpormasyon.

Sa tanong ni Willie kung ano ang nararamdaman niya sa naging pagbabago ng kanyang hitsura, sinabi ni Xander na kung papipiliin siya ay mas nais niya pa rin ang dating Marlou kaysa sa bagong katauhan niya bilang si Xander dahil doon daw siya unang nakilala.

Subalit bilang pasubali, sinabi ni Xander na ginusto rin niya ang pagbabago sa kanya dahil umano kailangan niyang ipaglaban ang pamilya at ang mga pangarap niya.

Bagama’t tagumpay ang kanyang transpormasyon mula sa dating Marlou hanggang naging si Xander, hindi pa rin siya tinatantanan ng mga bashers.

Ngunit aniya, ang mga katulad niya ay hindi magpapatalo sa mga sinasabi ng mga bashers.

“Marami po kaming pinagdadaanan, marami din po kaming pangangailangan. Lahat po ‘yun ipinaglalaban ko. Lahat ‘yun ginamit ko para marating ko ‘yung kinatatayuan ko po ngayon. At ngayon nakita sa harapan po ninyo si Xander Ford at ang dating Marlou ay hindi na po katulad ng dati at hindi ninyo na malalait ngayon,” sabi ng palabang si Xander.

Narito siya sa video na ibinahagi ng GMA Network sa YouTube:

Fact-checked against the following source(s) :

GMA Network, Facebook, YouTube