Sa pang-araw-araw na pamumuhay, naranasan n’yo na ba ang kasabihang “Pera na nga, naging bato pa?” Tipong abot-kamay mo na ang suwerte, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon, ay bigla na lamang itong naglahong parang bula?
Iyan ang naranasan ng isang 6D Lotto bettor na si Simon Volante, matapos lumabas bilang “winning combination” ang mga numerong inilista niya sa biniling lotto ticket; na magiging daan sana upang mapanalunan niya ang tumataginting na cash prize, na tiyak na makapagpapabago sa takbo ng kaniyang buhay.

Public Domain Image
Kaya naman, hindi maipagkakailang masaya ang naturang Lotto bettor sa paglabas ng kaniyang mga numero bilang winning combination na tinayaan niya sa 6D Lotto, subalit bigla rin itong napawi dahil kinakailangang nasa “exact order” ito, o kung paano ito lumabas nang ibinola.
Ang problema ng netizen, hindi tumugma sa pagkakasunod-sunod ang kaniyang mga numero!
“Literal na mapapa-shot puno ako kahit di pa Sabado kakaisip dito,” saad ng Lotto bettor sa kaniyang caption, sa Facebook page na “Homepaslupa Buddies 3.0,” ayon sa Balita Online.

(Larawan mula sa FB ni Nom Gidnas via Homepaslupa Buddies 3.0)
Batay sa ibinahagi niyang litrato sa kaniyang lotto ticket, ang winning combination batay sa eksaktong order nito ay 4-8-9-7-0-2. na lumabas noong Agosto 23, 2022. Hindi na niya idinetalye o ipinakita kung paano ba nagkasunod-sunod ang mga alagang numero niya.
Ayon sa ulat ng GMA News, 2015 pa umano tumataya ng lotto si Volante subalit hindi pa siya kailanman nanalo. Nangyari na umano ito sa kaniya noong 2018. Pangalawang beses na raw niya itong tumaya ng parehong numero sa winning combination ngunit hindi pareho ng pagkakasunod-sunod sa kaniyang itinaya.
₱2,178,189.14 sana ang makukuhang premyo ng netizen kung sumakto ang pagkakasunod-sunod ng kaniyang winning numbers.
Abot-kamay na sana ang milyones!
Marami naman sa mga netizen ang tila nanghinayang dito.
“Naku… almost there, Kuya! Sayang naman! Pero, kailangan ba talagang may exact order?”
“Nangyari na sa amin ‘yan. Sayang talaga.”
“Super sayang!! Grabe!”
“Hirap naman nun exact order sakit sa kalooban niyan hay.”
“Muntik ka nang maging Pepito Manaloto, lods HAHAHAHAHAHA.”
“Better luck next time na lang daw. Sayang!”
Ang pagtaya sa lotto ay isa sa mga sikat na paraan upang makakuha ng tinatawag na “easy money” o biglang pagyaman. Marami sa mga Pilipino ang nahihikayat na tumaya, dahil sa halagang 20 piso pataas, maaari nang magbago ang buhay kung papalaring manalo rito.
Samantalo, ayon sa website ng PCSO, walang nakakuha ng grand prize sa winning combination noong Agosto 23.

Screenshot mula sa website ng PCSO
Simula noong Agosto ay wala pang nakasusungkit ng jackpot prize. Kaya ano pang hinihintay mo, taya na! Baka ikaw na lamang ang hinihintay!