Bago pa naging isang kilalang komedyante sa noontime show na Eat Bulaga, marami na ang napasaya ng comedian-host na si Jose Manalo ang madla bilang isang payaso.
Sa Facebook page ng Lahat 1900s, ibinahagi ang larawan ni Jose at ng kanyang mga kagrupo sa Boyoyong Clowns; ang trio payaso na sumikat ilang dekada pabalik.
“They are Bobo, Yoyo, and Ong-Ong of the Boyoyong Clowns; the first values-oriented clowns in the country. Ace comedian Jose Manalo of Eat Bulaga fame was once a part of this funny trio playing as Yoyo,” saad ng caption ng larawan.
Tatlong taon din naging clown si Jose, simula noong 1985 hanggang 1988.
Noong 2016, sa isang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho ay nagkita-kita muli ang Boyoyong Clowns. Wika ni Jose, malaki ang naitulong sa kanya ng nasabing karakter.
“Si Yoyo ang pinakamahaba ang buhok, ‘yong straight lang ang buhok, kulay blue ang damit, malalamin ang dimple na cute sabi nila,” natatawang pag-alaala niya.
“Malaki ang naitulong. Una, sa pagho-host. Nasubukan ko mag-host na ako mag-isa. ‘Yong pagiging komedyante. ‘Yong kilos. ‘Yong timing. Paano ka gagalaw na hindi ka sasapaw sa kausap mo, pati kamay, pati hand gestures, pati pagngiti,” aniya.
Marami raw magaganda at masasayang alaala na naipon si Jose sa pagiging isa sa Boyoyong Clowns, kahit pa hindi rin madali ang lahat lalo na at pintura pa ang ginagamit nilang pampaputi noon ng mukha.
“Dahil sa Boyoyong, dito lang ako nakapasok ng Valle Verde, dito lang ako nakapasok ng Corinthian, mga mamahaling bahay. Hanggang sa natira na ako sa Valle Verde. Hahaha! Hindi, thank you, Lord. Salamat,” pahayag niya.
Sa kasalukuyan, isa na sa mga pinakatanyag na komedyante sa bansa si Jose at kabilang sa longest running noontime show na Eat Bulaga.