Pinakasikat na sasakyan ngayon para sa mga Pilipino ay ang motorsiklo. Liban sa mas mura ang karamihan ng modelo ng motorsiklo kaysa sa mga kotse, bagay din ito sa mga kalye sa Pilipinas na maliliit at madalas ay mabigat ang daloy ng trapiko.
Gayunman, para sa iba, ang motor ay isa ring pamporma. Mas pogi ang motor, mas nakakapogi rin daw sa nagmamaneho nito.
Ngunit isang netizen ang bumasag sa angas ng mga naggagandahang uri ng motorsiklo ngayon dahil ang tanging kinailangan niya ay pagkamalikhain at tiyaga.
Trending ang video ng post ng page na Ser Dens tungkol sa nakamamangha at nakaaaliw na ‘motor’ ng isang lalaki.
Sa unang tingin, aakalain mong totoong motorsiklo ito. Ngunit kalaunan, mapapansing hindi de-makina at de-gasolina ang sasakyan—de padyak lang.
Maraming netizens ang na-good vibes sa bisikleta ng lalaki na nilagyan ng ilang bahagi ng motor upang magmukhang legit na motorsiklo. Kita sa video na kahit mas malambot at mas malawak na ang upuan ng bike, pinapadyak pa rin ito ng lalaki.
Ang manibela, upuan, backlight, maski ang ilaw nito sa harap ay kinuha mula sa nasirang motor. Proud na proud ang lalaking nagmamaneho ng kanyang ‘kakaibang motor’ na ngumiti pa habang kinukuhanan siya ng video.
Panoorin ang nakaka-good vibes na video ni kuya na may pinakaastig na motor ngayon sa social media:
“Galing talaga ng Pinoy! Ingat kuya, baka may LTO sa harapan,” biro ng caption ng video na mayroon nang higit 144,000 likes sa kasalukuyan.
Umani na rin ng 22,000 shares at halos 3,000 komento ang post. Ayon sa mga netizen, talaga naman daw lumalabas ang pagkamalikhain ng mga Pinoy lalo na kung gusto nilang magpasaya ng kapuwa.
Birong paalala ng netizens kay kuya, huwag daw kalimutang sumunod sa batas, tulad ng pagsusuot ng helmet at sapatos habang minamaneho ang kanyang ‘motor.’
Be the first to comment on "Bike ng lalaki na binihisan upang magmukhang motorsiklo, pampa-good vibes online"