Facebook memories: Pet Society, isa sa mga dahilan kung bakit maraming nawili sa FB

Sa gitna ng kasikatan ng Friendster, isa ka rin ba sa mga lumipat at nalibang sa Facebook (FB) noon dahil sa mga social network game katulad ng Pet Society?

Isa ang larong Pet Society sa mga laro na kinaaliwan noon ng marami sa FB. Katulad ng Farmville at iba pang mga sumikat na social network games, naging dahilan din ito kaya marami ang naengganyong gumawa ng account at nawili nang tuluyan sa paggamit ng noon ay bagong social networking site pa lamang na FB.

Sa Pet Society na inilabas noong 2008, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga FB user na makapag-alaga ng virtual pets.

Dito, personalized ang kanilang mga alaga dahil ang mga nagmamay-ari ng FB account ay mayroong kalayaan na namimili ng pangalan, kasarian, hitsura, mga damit, at iba pa para sa kanilang virtual pet.


Sa sobrang pagkagusto sa larong ito, may mga user pa na gumawa ng multiple FB profiles para magkaroon ng extra Pet Society accounts at magamit ang mga ito na pambigay ng “gifts” sa kanilang main account.

Gayunman, wika nga nila, “some good things never last.” Noong taong 2013, inanunsyo ng game developer ng Pet Society sa isang FB post na magpapaalam na ang social-network game sa mga naglalaro nito.

“The decision to retire older EA games is never an easy one to make, but in order to reallocate servers and resources to more popular titles, we are removing Pet Society from Facebook,” saad nito.

Ganoon lang talaga siguro. Minsan, dapat mo na lamang ikatuwa na minsan kang pinasaya ng isang bagay. Matagal-tagal na rin simula noon. Ikaw, nami-miss mo rin ba ang larong ito? Ano ang pinakahindi mo makalilimutang alaala na dala nito? Ibahagi sa comments section ang mga kuwentong Pet Society mo!