Mensahe ni Herlene Budol kay Miss Manila: ‘Kontakin mo na ‘ko, bati na tayo’

Nanawagan si Bb. Pilipinas 1st runner up Herlene “Hipon” Budol sa kaniyang mga tagasuporta na tigilan na ang pag-atake kay Miss Manila 2020 Alexandra Abdon lalo at napatawad na niya ito.

Sa vlog ni Herlene ay muli niyang pinanood ang naging sagutan nila ni Alexandra sa isang episode ng Wowowin. Pag-amin niya, labis siyang naapektuhan sa mga sinabi sa kaniya ni Miss Manila.

“Gusto ko na lang lumubog sa kinakaupuan ko nun. Yung buong pagkatao ko, dinurog niya. Napaniwala niya ako eh na hindi ako qualified, na ganun akong klaseng tao. Pero napagtanto ko, meron din palang ambag sa akin na ginawa si Miss Manila kaya nagpapasalamat din ako sa kaniya dahil kung hindi nangyari yun, baka hindi ko nagawa yung best ko,” sabi pa ni Herlene.

Gayunpaman ay sinabi niyang naiintindihan niya si Alexandra dahil sinabi raw nitong scripted ang naging litanya niya. Kaya pakiusap niya sa netizens, sana ay tigilan na ang pagkuyog nila kay Miss Manila.

“Ang sabi nga niya scripted daw ‘yong lahat ng sa kaniya pero sa part ko kasi, hindi. Hindi ako nasabihan na dapat kinalmahan ko lang din. Sobra akong napikon sa part na ‘yun pero sabi ko, baka totoo, scripted. Baka nasabihan lang siya. Baka hindi ‘yon ‘yong goal niya, na masaktan din ako kaya naiintindihan ko rin naman,” sabi pa ng beauty queen.

“Kaya ikaw Miss Manila, kontakin mo na ako. Bati na tayo. Di ba 2020 pa yun?”

Nanghingi rin siya ng tawad kay Alexandra sa natatanggap nitong bashing mula sa kaniyang mga tagasuporta.

“Sorry rin sa lahat ng pambabash sa’yo… Tatandaan mo na tropa tayo. Wala tayong dapat pag-awayan, nadala lang sila ng emosyon nila.”

Mensahe niya rin sa netizens, kung meron silang hindi nakasundo, mas mabuti nang makipag-ayos na sila rito.

“Kung ikaw eh may kaaway, wag mo nang patagalin, batiin mo na. Hindi maganda ang magkaroon ng kaaway dahil liliit lang ang mundo mo. At syempre mas madaling humanap ng kaaway kaysa totoong kaibigan.”