Ilang araw na lamang at pasukan na. Maraming magulang ang hindi pa nakakukumpleto ng mga gamit ng kanilang mga anak sa pagpasok sa eskwela. Ang uniporme at sapatos ay ilan lamang sa mga pinoproblema ng mga magulang lalo na yaong kapos sa buhay at mga naapktuhan ng pandemya.
Kaya naman bilang bahagi ng pagsisikap ng Angat Buhay Foundation na makatulong sa komunidad kasabay ng pagbabalik-paaralan ng mga mag-aaral ay namahagi sila ng mga sapatos para sa mga batang mag-aaral sa Camarines Sur sa pangunguna ng chairperson nitong si dating Vice President at Atty. Leni Robredo.
Sa isang Facebook post ay ibinahagi nila ang gawaing ito.
“Balik-eskwela na ang ating mga estudyante. Dito sa CamSur, namigay tayo ng school shoes mula sa ating partners, para sa mga grade school students sa Tabuco Central School, Naga City, at sa Brgy. Carangcang sa Magarao,” ayon sa post ni Robredo nitong Miyerkules, ika-17 ng Agosto, 2022.
“Parehong malapit sa puso ko ang mga lugar na ito: Sa Tabuco ipinanganak ang asawa kong si Jesse, at doon rin kami unang tumira bilang mag-asawa. Ang Carangcang naman ang itinuturing ko na bagong tahanan.”
“Excited na akong mabasa ang mga kwentong volunteer n’yo! Ngayon at kada Miyerkules, ibahagi ang inyong experience at initiatives—i-tag ang Angat Buhay at gamitin ang hashtag na #AngatBayanihan,” masayang paghihimok ng dating Bise Presidente.
Ngayong buwan ng Agosto ay muling magbubukas ang klase para sa School Year 2022-2023 kaya hinihikayat ng Angat Buhay ang pagtulong sa mga mag-aaral na nasa komunidad, na may mga kakulangan sa suplay para sa paaralan.