Isa ka ba sa mga nagkaroon ng art set na naging sobrang popular sa mga batang Pilipino noon?
Sa Facebook, ibinahagi ng page na Klasik Titos and Titas of Manila ang larawan ng art set na binubo ng mga oil pastel, color pencil, water color, at iba pang art materials.
Nagbalik ng maraming alaala ang litratong ito ng art set na patok na patok noon sa mga bata. Saad ng karamihan, pakiramdam nila noon ay mga mahuhusay silang alagad ng sining kapag mayroon sila nito.
May mga nagsabi rin naman na sikat na noon sa mga kaklase at at kalaro kapag nagmamay-ari ka ng nasabing set, habang ang ilan ay nagbahagi na bagama’t hindi sila nagkaroon nito ay may mga gunita pa rin na ibinalik ang larawang ini-upload.
“Naalala ko iyong regalo sa akin ng daddy ko na ganiyan na parang attache case na red kapag sinara mo. Mayroon din iyong maliit na parang free yata sa Kitkat,” pag-aalaala ni Dheon Dhee.
“Iyan ang pangarap ko noon,” ani Dianna Kyrie Clarence Ajreb. “Tapos iyong kapatid ko ang nagkaroon ng ganiyan so naki-share na lang ako.”
“Mayroon ako nito! At dahil sa gustong-gusto ko, hindi ko ginamit. Hahaha!” pagbabalik-tanaw ni Muriel Lopez.
“Tamang hawak lang ako noon sa ganito ng classmate ko noong Grade 1,” kuwento ni Elizabeth Darilag Taguinod.
“Ito iyong pangarap ko noong Grade 1 ako na hindi ko nakuha,” pagbabahagi ni Lindsay Baybayan.
Samantala, pinasalamatan naman ng netizen na si Dianne Rosalin ang tiyahin na naging dahilan kaya kinumpleto ng art set na ito ang kanilang kabataan.
“Thank you, my beloved tita. Nakaranas kami ng kapatid ko ng ganito dahil sa iyo,” aniya.
Nagkaroon ka rin ba ng art set na ito? Ano ang pinakahindi mo makalilimutang obra na nalikha gamit ito? Ibahagi sa comments section kung may naitago ka pa sa iyo!