Parenting: Hindi lang misis ang dine-date, pati mga anak rin

“Ha? Naglayas na naman ang anak mo, pare? Pang-ilan na ba ‘yan? Pang-apat?”

Oo nga. Pang-apat na, naisip ni Pidong. Nakakahiya sa kumpare ko na ninong ni Jen. Kababaeng tao’y pandalas ang paglalayas ng anak kong iyon.

“Pare, malamang me problema ang inaanak ko. Natanong mo na ba?”

“Hindi, Pare, umuuwi naman kasi pagkalipas ng isa o dalawang araw galing sa bahay ng kaibigan. Hinahayaan ko na lang ang Nanay n’yang magbunganga sa kanya.”

Pero sa loob-loob ni Pidong ay maraming katanungang gustong kumawala. Dangan nga lamang at naiilang siyang kausapin ang mga anak. Para kasing pambabae ang tungkuling iyon sa pamilya. Kahit sa pamilya niya, ang nanay nila ang tangi nilang nakakausap pagdating sa mga problema. Ayaw kasi ng tatay nila ng maemosyong pag-uusap. Tahimik lang at bihirang makipag-usap ang kanilang ama. Nakatutok lamang ito sa paghahanapbuhay at pagsisiguro na sila lahat ay nag-aaral at kumakain nang maayos at sa tamang oras.

Nadala ni Pidong sa kanyang pagpapamilya ang nakagisnan sa ama. Ang kaibahan nga lamang, tila may problema sa kanyang mga anak samantalang sila ay maayos namang lumaki at walang mabibigat na pinagdaanan.

“Mali yun, pare,” pagbasag ng kumpare nya sa kanyang paghihimay sa isip.

“Payong kapatid lang. Iba na ang kabataan ngayon. Hindi kasingbabait natin noong araw…. hahaha! Mukhang kailangang alamin mo na bago mauwi sa mas malalang problema, pare. Tatlo yang anak mo. Panganay pa naman si Jen. Baka tularan ng mga nakababata.”

May katwiran si Pare. Baka nga tularan at makasanayan na lamang ang paglalayas ng mga bata.

“Sige, Pare, aalamin ko nga. Besides, gusto ko rin naman talagang alamin, pero, paano nga ba kausapin ang mga anak na teenager na????

“Pare, hindi lang misis ang dine-date. Pati mga anak, dine-date rin! Mapababaeng anak man o lalaki. Ilabas mo si Jen, pare. Ipasyal mo rin, mag-bonding kayo. Kahit simpleng kain lang sa labas o lakad sa park. Hindi para sermunan o takutin ha. Kilalanin mo ang anak mo! At kusa mo nang malalaman ang sagot sa mga tanong mo. Saka mo banatan ng mga simpleng pangaral, pare, ‘yung hindi siya lalabas na sermon. Malay mo, baka wala namang problema talaga. Baka nalulungkot lang ang anak mo o naghahanap ng atensyon.”

Nalulungkot? Posible ba yun? Me telebisyon naman kami at karaoke sa bahay. Kumakain minsan sa Jollibee o KFC. Bakit naman sila malulungkot? takang pagmumuni ni Pidong.

“Hindi sa pagbubuhat ng sariling bangko, pare, nag-aral ako ng parenting mula sa mga seminar, pagbabasa at pakikinig. Sa DZAS, me Family Matters na segment, sa Radio Veritas, meron din, at alam ko meron din sa ibang programa,” pagpapatuloy ng kumpare ni Pidong. “I-google mo.”

“Wow! Ang tiyaga mo pala, pare! Wala akong tiyaga sa ganyan eh!” sangga naman ni Pidong.

“Akala ko din, pare, di ko matitiyaga. Kaso lalo akong nagiging interesado habang nakikinig ako. Hindi naman kasi tayo nagpamilya para lamang bumuhay ng pamilya o patunayang kaya nating bumuhay ng pamilya. Ang mas tamang sabihin, ang magtatag tayo ng magandang pamilya. Iba pala yun, pare.”

Hindi pala isang obligasyon lang na kailangang malampasan o daanan. Isa palang pagkakataon ‘yun na makaya nating magtatag ng mabuting pamilya na magiging balon ng kasiyahan sa ating sarili. Hindi rin dapat ituring na pasanin o problema ang pagkakaroon ng mga anak. Biyaya sila, pare, dahil hindi lahat me kakayahang magkaanak.

Aba! Sa totoo lang, ang sarap ng may mga anak. Mga extension sila ng ating sarili. Kung tutuusin nga, para silang mga salamin natin. Kung ano sila, malamang iyun tayo… o ‘di ba?”

“Oo nga, pare. Kitang-kita nga sa mukha n’yong mag-aama na para kayong pinagbiyak na arinola!..hahaha!” sagot ni Pidong bilang pampagaan ng pag-uusap nila.

“Poging arinola naman, pare! Pero sa totoo lang, hindi dapat magbunga ng aratiles ang punong mangga. Alagaan lang natin ang pagpapalaki sa ating mga anak para makaiwas sa matitinding problema at mas masaya talaga pag buo at maayos ang pamilya, ‘di ba.

Sa awa naman ng Diyos at sa pagsisikap naming mag-asawa na tugunan ang mga pangangailangan ng mga bata sa lahat ng aspeto, so far, pare, wala akong nakikitang mabibigat na problema. Basta, tuloy-tuloy lang ang pag-aaral naming mag-asawa tungkol sa usaping pamilya. Wala naman kasing eksaktong formula sa lahat ng pamilya. Iba iba ang timpla, pero kung nag-aaral ka pa ring umagapay, makikita mo ang tamang rekado para sa pamilya mo.

“Sana nga ‘di pa huli, pare, para ayusin ko pamilya ko,” pagtatapat ni Pidong.

“Habang may buhay, may pag-asa, pare. Tsaka, walang huli sa taong desidido. Lalo ka pa, responsableng ama. Kayang-kaya mo yan! Mas matibay na pundasyong pampamilya ang susi sa kaligayahan at pati na rin sa maunlad na bansa!”

Go, Tatay, go!

Be the first to comment on "Parenting: Hindi lang misis ang dine-date, pati mga anak rin"

Leave a comment

Your email address will not be published.


*