Sa panahon ng pandemya, sinubok ang katatagan at diskarte ng marami sa atin. Marami ang nawalan o nahinto ang kabuhayan. Hindi nakaligtas rito ang mga nasa larangan ng sining na humina ang dating ng mga trabaho dahil mas natuon sa mahahalagang sektor ang marami sa atin.
Gayunman, pinatunayan ng isang pintor na may kapansanan sa paglalakad mula Tagkawayan, Quezon, na kahit nasa gitna ng krisis ang mundo, hindi mahahadlangan ang pagiging produktibo at makahahanap ng paraan upang magkaroon ng mapagkakakitaan.
Sa isang lathalain na ibinahagi sa Facebook ng The Harbinger TNHS opisyal na publikasyon ng Tagkawayan National High School, binigyang pagpupugay ang pagsusumikap ng pintor na PWD na si Fernando Alaon o mas kilala bilang Mommy Donna.
Lumilikha ng mga nakamamanghang bilao art si Mommy Donna.
Sa halip na papel o canvas, sa bilao nagpipinta si Mommy Donna kung saan tampok ang iba’t ibang makukulay na tanawin. Ipinagbibili niya ang mga ito sa pamamagitan ng social media at mga kakilala.
Dahil sa pandemya, nawalan pansamantala ng raket si Mommy Donna. Naisipan niya raw gumuhit sa bilao nang minsang bigyan ng isang bilaong pansit ng mga kaibigan. Hindi naman nasayang ang panahong iginugol ni Mommy Donna sa paggawa ng bilao art sapagkat napagkakakitaan na niya ito ngayon.
Kahit na mayroong iniindang karamdaman sa paa at hirap sa paglalakad, kailanman daw ay hindi ito naging hadlang para kay Mommy Donna upang gawing kapakipakinabang ang sarili.
Sa tulong ng kanyang pamangkin na si Mary Rose Vergara, isang guro, ay naipagbibili online ang makukulay at magagandang obra ni Mommy Donna.
Sa isang post, makikitang sa halagang isang libong piso, makakakuha na ng apat na bilao art na magandang pandekorasyon.
Lahad rin ng artikulo, noon daw ay nagtatrabaho si Mommy Donna bilang pintor ng mural at iba pang proyekto sa mga paaralan sa Tagkawayan. Nagsisilbi rin siyang coach ng mga mag-aaral na nais mahasa ang kanilang talento sa pagguhit. Madalas ding tumulong ang pintor sa mga mag-aaral tuwing may mga proyekto ang mga ito.
Karaniwang mga bahay na may magagandang tanawin ang laman ng bilao art ni Mommy Donna. Tulad ng mga lagi niyang iginuguhit, pangarap daw niyang magkaroon ng sariling bahay dahil minsan na siyang napalayas sa tinutuluyan, kaya umaasa siyang mas marami pang mararating ang kanyang mga likha.
Para sa mga nais bumili ng bilao art ni Mommy Donna, maaaring kontakin si Mary Rose Vergara sa link na ito.
Be the first to comment on "Pintor, gumagawa ng nakamamanghang bilao art sa kabila ng kapansanan"