Suspek sa brutal na pamamaslang sa Bulacan, hinahanting na ng mga pulis

Images from Kylie Albuera's Facebook post

MAYNILA, Pilipinas – Hinahanting na ng mga awtoridad ang pangunahing suspek sa brutal na pagpatay sa isang lalaki at sa buntis na babaing kaniyang kinakasama sa San Jose Del Monte, Bulacan; ito ay ayon hepe ng pulisya ng lungsod.

Matatandaang kumalat sa social media ang video ng pamamaslang sa isang lalaki at isang babae sa harap mismo ng barangay hall sa Minuyan, SJDM.

Nakilala ang mga biktima na sina Dave Abello at Jessie “Angel” Tolero habang ang suspek naman ay nakilalang si Allan Contreras alyas “Long Hair”.

Ayon sa kuwento ni Kylie Albuera sa kaniyang post sa Facebook, nagkaroon ng alitan ang mga biktima at ang suspek dahil pinagbintangan umano ni Contreras na si Abello ang nagkakalat ng usap-usapan na siya raw ang nagnakaw sa isang motorsiklo.

Sinugod umano ni Contreras na armado ng baril sa kanilang bahay ang mga biktima at sinaktan ang mga ito. Pinagbantaan din umanong papatayin ang dalawa kung hindi lilinisin ni Abello ang pagkakasangkot ng pangalan ni Contreras sa nasabing pagnanakaw.

Dahil sa takot, napilitan umanong lumipat ng tirahan sina Abello at ang kaniyang kinakasama na sinasabing nagdadalantao pa naman. Nagpasiya na ring magsampa ng reklamo sa barangay ang dalawa laban sa pananakit at pagbabanta ng suspek.

Ngunit ayon kay Jerry Matias, Barangay Captain ng Minuyan, hindi nagkasundo ang dalawang kampo dahil humihingi ng P30,000 si Abello para huwag ituloy ang kaso.

“Sabi nung suspect P5,000 lang kaya ko. Ngayon, kung hindi daw niya kaya ‘yung P30,000 itutuloy na lang nung mag-asawa ‘yung kaso,” paliwanag ni Matias sa isang panayam ng GMA News.

Nasa ikatlong hearing na ang kaso sa barangay nang mangyari ang pamamaril ng suspek sa mga biktima.

Sa video na kuha ng CCTV ng barangay, makikitang palabas na mula sa barangay hall sina Abello at Tolero nang barilin sila ni Contreras.

Walang malay sa kanilang karumal-dumal na sasapitin at nakatalikod pa ang mga biktima na parehong binaril ng suspek sa ulo bago tumakas ang huli sakay ng kaniyang motorsiklo.

Ayon kay Police Senior Inspector Joel Alba, pinaghahahanap na ang salarin na pinaniniwalaang nagtatago ngayon sa Tagum City, Davao del Norte.

“Masasabi po natin na siya ay armed and dangerous kaya po patuloy po ang pagsasagawa natin ng manhunt operation laban dun sa suspect,” pahayag ni Alba.

Hustisya naman ang sigaw ng mga kaanak ng biktima, lalo na para sa dinadalang sanggol ni Tolero na nadamay lang sa pamamaslang.

Nakiusap na rin ang asawa ni Contreras na kusa nang sumuko ang suspek para pagbayaran ang krimeng ginawa.

I-klik ang larawan sa baba para mapanood ang video ng pangyayari (Paalala: Maselan ang mga eksena at maaaring hindi angkop sa ibang manonood.)

080702