Babala ni De Lima sa mga nag-imbento ng ebidensya laban sa kanya: “May araw din po kayo”

Image capture of video by Team DU30 via YouTube channel

Bumuwelta kahapon si Senadora Leila De Lima at nagbanta pa ito sa pamamagitan ng isang privilege speech laban sa mga taong diumano ay nasa likod ng mga imbentong ebidensya laban sa kanya.

Ang mababang kapulungan ng kongreso ay kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa umano ay pagkakasangkot ni De Lima noong siya ay Justice Secretary pa sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison.

“Sa puntong ito, gusto kong iparating ang aking pagpapatawad sa lahat ng tumatayo at tatayong witness laban sa akin sa House hearing. Alam ko na kayo ay napilitan at napuwersa lamang para idawit ako sa kung anumang anomalya sa Bilibid, gamit ang panggigipit, blackmail, o marahil pati torture. Ang hindi ko mapapatawad ay ang mga nasa likod nitong pag-imbento ng ebidensiya laban sa akin. May araw din po kayo,” pahayag ni De Lima.

Isang sarkastikong  pagbati naman ang ipinaabot ni De Lima sa kapwa senador na si Alan Peter Cayetano dahil sa matagumpay na pagpapatalsik nito sa kanya bilang chairman ng Senate Committee on Justice and Human rights na nag-iimbestiga sa extrajudicial killings sa bansa.

“Congratulations to Senator Alan Peter Cayetano for his triumphant victory yesterday and for making me realize that the committee chairmanship is not the end of everything for me as a senator,” sabi ni De Lima.

[Binabati ko si Senator Alan Peter Cayetano sa kanyang tagumpay kahapon at dahil sa kanya ay napagtanto ko na ang committee chairmanship ay hindi pala katapusan ng lahat para sa akin bilang isang senadora.]

 

Loading...