DILG hinimok ang mamamayan na sumali sa MASA MASID program laban sa droga, korapsyon, kriminalidad

Image capture of video by PTV

Hinihikayat ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ismael Sueno ang mga mamamayan at lokal na opisyal na muling buhayin ang espiritu ng bayanihan sa pamamagitan ng programa nito kontra sa kriminalidad, korapsyon at ilegal na droga.

Ayon kay Sueno, sa pamamagitan ng MASA MASID program o Mamamayang Ayaw sa Anomalya, Mamamayang Ayaw sa ilegal na Droga ay mababantayan ang korapsyon sa pamahalaan at lalong mapaiigting ang pagsugpo sa ilegal na droga.

“Sama kayo sa amin sa MASA-MASID. Ito ay parang umbrella organization ng lahat ng organization sa barangay at volunteers’ groups para ma-eliminate natin iyong droga, korapsyon at kriminalidad,” panghihikayat ni Sueno.

Ayon sa ulat ng Veritas, sinabi umano ni Sueno na makatutulong rin sa pagmamatyag laban sa terorismo ang mga volunteers ng MASA MASID.

“Napakadelikado ngayon ang banta ng terorismo at nagkaroon na nga ng bombing. Ang mga volunteers ang kasangga natin sa komunidad. Sila ang tutulong sa atin magreport ng mga kahina-hinalang tao at pangyayari para walang tsansa ang droga at krimen na mangyari,” sabi ni Sueno.

Nakatakdang ilunsad ang MAMA MASID sa ika-28 ng Setyembre.

 

Loading...