Duterte, nakiusap sa mga supporters na itigil ang pagbabanta sa mga mamamahayag

Image capture of video by Bandila via ABS-CBN News' YouTube channel

Nagpasalamat si Pangulong Rodrigo Dutrte sa ipinapakitang pagsisigasig ng kanyang mga supporters na siya ay suportahan, subalit kasabay nito ay nakiusap siya na sana ay itigil na nila ang pagbabanta sa mga mamamahayag.

Ayon sa Inquirer, ang apela ay ginawa ng Pangulo matapos makiusap ang National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) na imbestigahan ang pag-atake sa social media ng mga supporters ni Pangulong Duterte sa dalawang babaeng mamamahayag na sina Gretchen Malalad, isang freelance journalist, at Jamela Alindogan-Caudron, isang correspondent ng Al Jazeera.

“Nabalitaan ko na binabantaan daw ang ilang correspondents. Pinapahalagahan ko ang inyong suporta at siguro ‘yung…paano ko ba sasabihin ito… ‘yung pagsisigasig ninyo na tulungan ako. Tama kayo wala naman akong ginagawang mali, pero siyempre hindi dapat natin binabantaan ang mga tao kasi hindi na sila makapagsusulat ng totoo,” ani Duterte.

Si Malalad ay binatikos sa social media dahil pinaratangan siyang nagbigay ng impormasyon sa isang dayuhang correspondent ng Time Magazine na naglathala ng isang artikulo tungkol sa “war on drugs” ng Pangulo. Si Alindogan-Caudron naman ay binatikos matapos maisyung nagbigay ng opinyon tungkol sa utos ni Pangulng Duterte na ubusin na ang mga Abu Sayyaf.

Loading...