Tindero ng fried chicken, binuhusan ng gasolina ng kalaban sa negosyo

Image from Kabankalan PNP

Isang binata na ang tanging hanapbuhay ay magtinda ng fried chicken ang nasa malubhang kalagayan ngayon matapos malapnos ang maraming bahagi ng kanyang katawan nang buhusan siya ng gasolina ng isang lalaki sa Negros Occidental.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, ang fried chicken vendor na kinilalang si Clarencio Bernabe Jr., labing-siyam na taong gulang, ay naghahanda na sa kanyang pagluluto ng manok nang bigla siyang sabuyan ng gasolina ni Ryan Dolar, dalawampung taong gulang.

Agad na nagliyab ang iba’t-ibang bahagi ng katawan ni Bernabe, na nakuha pang humingi ng saklolo sa mga tao. Agad naman siyang tinulungan ng mga nakasaksi sa pangyayari at mabilis siyang isinugod sa ospital. Nagtamo ang biktima ng third degree burns sa maraming parte ng katawan.

Ang suspek na si Dolar ay isinugod rin sa ospital dahil nagtamo rin ito ng sunog sa kanyang paa.

Wala naman umanong kaaway ang kanyang anak, ayon sa ina ni Bernabe, maliban sa mga kakumpitensiya nito sa negosyo. Suspetsa niya, si Dolar ay kalaban sa negosyo ng kanyang anak.

Bukod sa alitan dahil sa negosyo, inaalam pa ng pulisya ang iba pang motibo sa krimen. Posible rin umanong napag-tripan lang ang biktima.

Source :

ABS-CBN

Loading...