Lalaki sa viral video na nagmura sa babae dahil sa kurtina ng bus, nag-sorry na

Image capture of video by World Sense via YouTube channel

Humingi ng dispensa ang lalaki sa isang viral video sa kanyang nagawang pagmumura at pagbabanta sa babaeng pasahero na nakairingan niya sa loob ng isang bus.

Ang lalaki na kinilalang si Pepito Robles, isang seaman, ay nakunan ng video na galit na galit sa isang babae na diumano ay humila ng kurtina ng bus na tumatabing kay Robles. Kung anu-anong maaanghang na salita ang binitiwan niya sa nakaaway na babae.

Ayon naman sa babae na itinago sa pangalang Maricel, halos labinglimang minuto siyang pinagmumura ni Robles. Nakuha pa niya umanong mangatwiran noong una, subalit nang pagbantaan siya nito na babarilin ay napayuko na lamang daw siya.

Natunton ng ABS-CBN si Robles sa kaniyang tirahan sa Quezon City at hiningan ito ng pahayag tungkol sa pangyayari.

Ani Robles, nabigla siya sa inasta ni Maricel kaya nagawa niyang magmura. Aminado rin siya na pinagbantaan niya si Maricel pero wala raw siyang intensiyon na saktan ito. Sa huli ay humingi ito ng paumanhin sa nagawa.

Samantala, ang mga kapitbahay ni Robles ay hindi na umano nagtaka sa inasal niya  nang makumpirma nilang siya ang lalaki sa video na nag-viral sa social media. Normal na umano sa kanila na makita itong nagmumura at may kaalitan sa kanilang lugar.