SB No. 1195: Maiingay na sasakyan, ipagbawal na – Sen. Gatchalian

Larawan mula sa Wikipedia

Iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na ipagbawal na ang mga sasakyan at motorsiklong may modified mufflers o sound boosters dahil sa panganib umano na dala ng noise pollution sa kalusugan ng tao at maaari ring makaistorbo sa mga motoristang dumaranas ng matinding trapik.

Sa pamamagitan ng Senate BIll No. 1195, nilalayong makontrol ang ingay sa daan sa pamamagitan ng pagbabawal ng mga sasakyan sa paglabas ng mga tunog na higit sa  70 decibels, noise level na itinakda ng World Health Organization (WHO).

Ang mga sasakyan at mga motorsiklo na may modified mufflers o sound boosters ay popular sa mga motoristang tila ang tunog ay pangarerang sasakyan.

Inihalimbawa ng Senador ang ulat ng WHO, na ang labis na ingay ay maaaring makaapekto sa pagtulog, komunikasyon, at maaaring sa pagganap sa paaralan ng mga mag-aaral at maaari ring sa pag-uugali ng tao.

Dagdag pa nito, sa pag-aaral ng Asian Development Bank (ADB) ang pamantayan ng ingay sa araw ay nasa 60 decibels habang 50 decibels naman sa gabi. Ang mga tricycle ay nagpo-produce ng 97 decibels, mataas sa pamantayang ibinigay ng ADB.

Ang sobrang expose sa ingay na nasa 80 decibels pataas ay maaaring mauwi sa pagkabingi. Maaari ring magkasakit tulad ng high blood pressure at cardiovascular changes, problema sa digestive system at general fatigue.

Sa mungkahing batas na ito, lahat ng  motor vehicles ay sasailalim sa noise pollution testing sa Land Transportation Office (LTO) tuwing magpaparehistro, at kailangan na may 70 decibels na noise limit, ayon sa ulat ng Inquirer.

Ang motoristang mapatutunayang lumagpas sa noise limit ay may multang P5,000 sa unang paglabag, P10,000 sa ikalawang paglabag at isang buwang pag-impound, at P15,000 kabilang ang suspensiyon ng lisensya ng anim na buwan sa mga susunod pa nitong paglabag.

Ang mungkahing batas ay may  mandato ng LTO, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Local Public Order and Safety Officers upang maipatupad ito.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Inquirer, Senate.Gov.Ph, WHO

Loading...