100 armadong rebelde sumalakay sa Cotabato jail, 132 inmates nakatakas

Sumalakay ang tinatayang aabot sa 100 na armadong rebelde sa North Cotabato District Jail (NCDJ) sa Barangay Amas, Koronadal City noong Miyerkules ng madaling araw, ika-4 ng Enero.

Ayon sa ulat ng GMA News Online, naganap ang pag-atake sa pagitan ng ala-una at alas-kuwatro ng madaling araw. Isang jail guard ang diumano’y napatay at isa naman ang sugatan matapos ang palitan ng putok sa pagitan ng armadong grupo at mga awtoridad.

Sa isang panayam, sinabi ni Superintendent Peter Bongat, officer-in-charge ng NCDJ, na  maaaring mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) ang mga sumalakay.

Ayon naman sa ulat ng Bombo Radyo, pinangunahan ng isang Kumander Derby ang pagsalakay. Umatras lang umano ang grupo matapos silang paputukan ng howitzers cannon ng mga rumespondeng pinagsanib na puwersa ng mga sundalo at pulis.

Samantala, isang lider ng mga inmates na kinilalang si Felix Capalla ang nagsabi na bago maganap ang pagsalakay ay binalaan na niya si Bongat tungkol sa gagawing pagtakas at pag-rescue sa mga BIFF members na nakapiit sa NCDJ.

Nag-deploy naman umano ng dagdag na tropa sa NCDJ noong ika-31 ng Disyembre 2016 hanggang ika-1 ng Enero, pero matapos daw noon ay kakaunti na lang ang mga nagbabantay sa piitan.

 

Loading…