Intelligence officials, nagbabala sa posibleng terror attack sa pista ng Itim na Nazareno

Ilang mga source mula sa intelligence community ang nagbabala sa posibleng pag-atake ng terorista sa Pista ng Itim na Nazareno na gaganapin sa Quiapo, Maynila sa Lunes, ika-9 ng Enero.

Ayon sa ulat ng GMA News, ang banta ng terorismo ay lumutang umano matapos ang interogasyon sa mga nahuling suspek sa pambobomba sa Davao night market na naganap noong Setyembre noong nakaraang taon. Isa sa mga suspek ang nagsabi na kasama sa plano nila ang pag-atake sa Pista ng Itim na Nazareno na dinudumog ng milyon-milyong mga deboto.

Isang indikasyon daw na maaaring totoo ang sinabi ng suspek ang naunsyaming pambobomba  sa US Embassy at ang pagsabog sa Hilongos, Leyte kamakailan lang.

Ang Pista ng Itim na Nazareno umano ang pinakarurok o ang kulminasyon ng kanilang paghahasik ng terorismo.

Sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police na wala silang namomonitor na banta sa Pista ng Itim na Nazareno.

Magkagayun pa man, sinabi ni National Capital Region Police Office director Chief Supt. Oscar Albayalde na hindi nila ipinagwawalang-bahala ang posibilidad na mayroon ngang teroristang grupo na nasa Metro Manila.

Handa umanong siguruhin ng kapulisan ang seguridad sa araw ng prusisyon. Mahigit 5,000 pulis ang ide-deploy sa paligid ng daraan niyon.

 

Loading…