Larawan ng 6-na-taong-gulang na bata na gumagamit ng e-cigarette, kumalat sa internet

Dahil sa larawan ng isang anim na taong gulang na batang lalaki at kalaro nito na gumagamit ng electronic cigarette o e-cigarette, naalarma ang mga social welfare sa Laoag City.

Sa ulat ng ABS-CBN, ang eksena ay nakunan ng camera ni JC Tabios III, isang tourist aide sa Laoag City. Aniya, naka-duty raw siya bilang tourist aide sa La Tabacalera, isang shopping center sa lungsod, nang makita niya sa labas ang dalawang bata na pinagsasaluhan ang isang e-cigarette.

Kinausap umano ni JC ang batang may hawak ng e-cigarette at nalaman niya na nabili ito sa isang baratilyo sa halagang P200. Kinunan pa ni JC ng video ang kanyang pakikipag-usap sa bata at in-upload niya ito sa Facebook.

Dismayado at naalarma ang City Social Welfare and Development officer na si Mary Joan Pasigui sa nalaman. Aniya, ayon sa batas ay bawal bentahan ng sigarilyo at alak ang mga menor de edad. Maaari raw mapagmulta ng hindi bababa sa P5,000 o kaya ay makulong ng hanggang isang buwan ang nagbenta niyon sa bata.

Pinaalalahanan ni Pasagui ang mga magulang na palaging bantayan at gabayan ang mga anak upang maiwasan ang mga ganoong uri ng insidente.

Masama naman ang loob ng ama ng bata sa nagbenta ng e-cigarette sa kanyang anak. Kuwento niya, ang kinita ng anak niya sa pangangaroling noong kapaskuhan ang ipinambili ng sigarilyong de kuryente.

“Iyong nagtitinda, alam niyang bata, minor, ang bebentahan niya. Dahil lang naman ata gusto niyang makabenta, kaya binentahan na lang niya,” sabi ng ama ng bata.

Magsilbi sanang babala ang insidenteng ito sa mga nagbebenta sa mga menor de edad.

Loading…