Mga residente, kardinal nagprotesta sa pagbubukas ng McDonalds sa Vatican

Sa kabila ng mga protesta ng mga residente at ilang mga kardinal, isang sangay ng sikat na fastfood chain na McDonald’s ang nagbukas sa Vatican City, ang sentro ng Katolisismo.

Ayon sa Herald Sun, ang bagong branch ng McDonald’s ay makikita sa isang gusali na pag-aari ng Holy See at ilang metro lamang ang layo mula sa St. Peter’s Square. Ang dating tinirhan ni Pope emeritus Benedict XVI noong bago siya maging Pope ay napakalapit lang sa nasabing fastfood.

Sinabi ng mga kritiko ng Catholic Church, sa halip umano na isang fastfood chain ang inilagay sa nasabing gusali, sana raw ay social centers ang inilagay doon.

Samantala, ang administrasyon ng Patrimony of the Apostolic See, na siyang namamahala sa mga ari-arian ng Vatican, ay hindi maintindihan ang komosyon ukol sa pagbubukas ng McDonald’s doon.

Ayon sa ulat ng Fox News, ang restaurant ay magpapasok ng 30,000 Euros o $33,000 kada buwan sa kaban ng Vatican.

Hindi naman nagbigay ng komento ang pamunuan ng McDonald’s.

Loading…