Mocha Uson, itinalaga ni Pangulong Duterte bilang board member ng MTRCB

Ang kontrobersiyal blogger, singer, dancer at masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Mocha Uson ay in-appoint bilang board member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) o Lupon sa Pagrerepaso at Pag-uuri ng Sine at Telebisyon.

Ang appointment ni Ms. Uson ay kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Ayon sa ulat ng CNN Philippines, sinabi umano ni MTRCB Chairman Eugenio Villareal na natanggap na ng MTRCB ang appointment letter na pinirmahan ni Pangulong Duterte.

Bilang board member, si Mocha Uson ay magiging bahagi ng sub-committee na magrerebisa ng pelikula o programa at magrekomenda ng approval o disapproval ng pelikula, TV programs o ng publicity materials. Ang buong MTRCB Board ang nag-a-apruba sa mga rekomendasyon.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na ang appointment ni Uson ay nagsimula noong ika-3 ng Enero at magtatapos sa ika-30 ng Setyembre ng taong kasalukuyan. Tinanong si Andanar kung bakit itinalaga si Uson bilang MTRCB board member. Ang sagot niya: “Bakit hindi?”

 

Loading…