Pangulong Duterte, nasa cover ng Chinese magazine bilang “Person of the Year 2016”

Pinangalanan si Pangulong Rodrigo Duterte bilang “Person of the Year 2016” ng Yazhou Zhoukan; isang babasahin sa Chinese-speaking world na diumano ay katumbas ng Time Magazine.

Isang Pinay OFW  sa Hong Kong ang nag-post sa isang social media site ng larawan ng magasin kung saan tampok sa pabalat si Pangulong Duterte.

Sa kanyang post, sinabi ni Angel Canono Vergara na tinanong niya ang kanyang employer kung ano ang ibig sabihin ng artikulo tungkol sa pangulo. Hindi niya raw iyon maintindihan dahil sa wikang Intsik nakasulat. Sagot ng kanyang amo, sinasabi umano sa magasin na isa si Pangulong Duterte sa pinakaimportanteng tao sa mundo.

Dagdag pa ni Angel, sinabi pa raw ng kanyang amo na “idol” nito si Pangulong Duterte. Tumaba umano ang puso ng OFW sa tinuran ng kaniyang employer.

Ayon naman sa ABS-CBN, sinabi ni Presidential spokesperson Ernesto Abella na ang papuri para kay Pangulong Duterte ay ibinigay matapos niyang ianunsiyo ang independent foreign policy na tinatahak ng bansa at ang pakikipaglapit ng relasyon sa China.

Ang Yazhou Zhuokan ay inilalathala sa Hong Kong, Singapore, Malaysia at Taiwan.

 

Loading…

1 Comment

Comments are closed.