‘Follow Your Heart’ ni Heart, ipakikita kung sino sa totoong buhay ang celebrity couples

Imahe mula sa Facebook page na Heart Evangelista

Ipakikita raw umano sa bagong show ni Heart Evangelista kung sino talaga ang mga celebrity couple sa totoong buhay.

Ayon sa Abante, sa Linggo, April 23, 5 p.m., ang simula ng Follow Your Heart; na siyang pinakabagong reality show ng GMA News and Public Affairs.

Linggo-linggo ay may dalawang pares ng celebrity couples na sasabak sa real-life tasks ng bawat magkapareha. Bawat Linggo, sasalang sa mga gawaing puno ng hirap, drama, aksyon, at katatawanan ang dalawang pares ng celebrity. Makikipag-bonding sila sa dalawang pamilya na dapat nilang tulungan. Magbabanat sila ng buto sa mga gawaing-bahay hanggang sa paghahanapbuhay.

“Never been seen iyong mga ginagawa namin. Matutuwa sila dahil mas makikilala nila kami bilang mga artista at kung sino kami sa totoong buhay. Nae-enjoy ko siya kasi hindi siya iyong usual na ginagawa ko,” ani Evangelista.

Bago matapos ang araw, mahaharap ang couples sa mga exciting na palaro na susubok sa kanilang bilis, diskarte, at teamwork. P50,000 ang premyo ng host family ng winning pair. Hindi rin naman uuwing luhaan ang host family ng talunang celebrity duo dahil may P25,000 na consolation prize para sa kanila.

Halatang-halata kung gaano kasaya ang aktres sa kanyang ginagawa. Sa pictorial nga nila ay para siyang nanay na nag-alaga sa dalawang bata na kasama niya.

Celebrity couples

Unang sasabak ay ang mga celebrity couple na sina Mark Herras at Winwyn Marquez; Paolo Contis at LJ Reyes. Maghaharap sila sa Lake Pandin sa San Pablo, Laguna.

Mula sa paggawa at paghahatak ng balsa, hanggang sa pangingisda at iba pang mabibigat na gawain sa lawa, gagawin nila.

Makakasama nina Herras at Marquez ang masisipag na mag-asawa ng Lake Pandin na sina Lotlot at Romeo Sales. Kahit pa pitong buwang buntis na si Lotlot, naghahatak pa rin siya ng lubid sa lawa para mapaandar ang mga balsang sinasakyan ng mga turista.

Katuwang niya sa paghahanapbuhay ang asawang si Romeo na bukod sa paggawa ng balsa, nag-aalaga rin ng kabayo na siyang nagbubuhat ng mga produktong dinadala sa Lake Pandin. Lahat ng ito ay ginagawa nila para sa kinabukasan ng walo nilang anak.

Samantala, walo rin ang anak ng mag-asawang makakasama nina Reyes at Contis na sina Orlando at Gina Tolentino.

Tulad ni Lotlot, tagahatak din ng balsa sa lawa si Gina. Ang asawa niya namang si Orlando, nangingisda pagsapit ng dapit-hapon. Ang mga mahuhuli niyang isda ang siyang ibebenta ni Gina kinaumagahan.

Loading...